Tuesday, October 23, 2012

Wala akong maisip na title, basta tungkol sa JEEPNEY.

Transferring this FB note here. :)

*****


Nung nag aaral pa ako, ayaw na ayaw kong sumasakay ng jeep. Marahil kasi maarte ako. Gusto ko lagi aircon. Hindi niyo ako mapapasakay sa jeep kapag ang biyahe ay lagpas sa distansiya ng minimum fare (more than 4 kilometers). Isa ring dahilan kung bakit ayaw kong sasakay ng jeep dahil sa polusyon sa Maynila. Pero may mga extreme cases naman na wala akong choice kundi sumakay ng jeep kahit malayong biyahe. Isang halimbawa nito kapag pupunta sa JIL Campsite sa Norzagaray. Lahat ng inarkilang sasakyan ay jeep. So walang choice. Kailangan lang maghawak ng plastic bag dahil… You know… Yun na yon.

Ngunit simula nang magkatrabaho ako, unti unti kong hinubad ang pagka-maarte ko (tanong para sa mga kapatid ko: Hindi na naman ako maarte, dava?). Dito ko natutunang sumakay ng jeep kahit sa malayong biyahe. Lalo na pag sa probinsiya ako naaassign, dahil kadalasan, wala namang FX o taxi sa mga napuntahan ko. Jeep lang ang meron. Kaya walang choice. Naranasan ko ng araw araw, bumibiyahe ako ng 40 minutes by jeep papunta sa client.
At sa mahabang biyaheng ganito, madami akong naobserbahan at napansin sa paligid—sa loob at labas ng sinasakyan kong jeep. Gaya ng…..

1. May mga jeep na kahit nasa malayo ka pa, hihintayin kang makalapit papunta sa kanya (I’m referring to the jeep), umaasang sa kanya ka sasakay. Tapos pag nakalapit ka na sa naghihintay na jeep, pipilitin kang sumakay. Tapos pag hindi ka sumakay, bibigyan ka niya ng instant steam facial dahil magbubuga yan ng usok mula sa tambutso at sisiguraduhin niyang mabubugahan ka non. Pang asar lang. Pinaghintay mo kasi eh. Minsan naisip ko pag may mga ganyang jeep, dapat may nakahanda kang signboard na may nakalagay na “SORRY MANONG, HINDI PO AKO SASAKAY SA INYO. BIYAHENG CEBU YANG JEEP NIYO EH. PAPUNTA AKONG DAVAO. SORRY PO TALAGA.” Siguraduhin mo lang na sa malayo pa lang basa na niya yan para di na siya umasa.

2. Kahit nakatayo ka lang sa may bangketa dahil tinignan mo lang kung madumi yung kuko mo sa paa, may titigil na jeep sa harapan mo at magsusumamong sumakay ka na sa kanya. Applicable din dito ang effect pag di ka sumakay sa kanya, pati din ang suggestion kong “CEBU-ka-DAVAO-ako-scenario”.

3. Pagsakay mo ng jeep, kahit di ka pa nakakaupo, umaandar na agad. Nakakawalang poise. Matapos mong sakyan yung jeep, masasaktan ka pa. kaya ang suggestion ko diyan, humawak sa safety hand rails para di sumubsob at mapahiya sa mga kapwa pasahero (o sa driver kung ikaw lang ang sakay).

4. As much as possible, dapat EXACT FARE ang ibabayad mo sa jeep. Kadalasan kasi, hindi ka na sinusuklian. Nakakalungkot. Sabi ko KARAMIHAN ha. Mga 9 out of 10. Osige 8 na nga lang.

5. Kadalasan ang mga pasahero gusto maupo malapit sa entrance/exit ng jeep. Mga ayaw kasing mag abot ng bayad sa driver. Hehehe. Minsan naman may mga tao, kapag wala nang choice kundi dun sa malapit sa driver uupo, pag may magpapa abot ng bayad, biglang makakatulog, magtetext, magbabasa, o magbibingi bingihan. Madalas ako sa may bukana nakaupo.

6. May mga pasahero naman na pasaway. Sinabi nang No Smoking eh, naninigarilyo pa din.

7. May mga pasahero talagang nagwa-WANTUTRI.

8. May mga sumasabit pa din sa jeep kahit sinasaway na ng driver. Mga pasaway. Hindi ba nila alam na delikado yon?

9. May mga pasahero nagfifeeling model ng shampoo commercial, pinapahanginan ang buhok habang nakatanaw sa may bintana ng jeep. Samantalang ang katabi niya, alam ang brand ng shampoo niya dahil nalalasahan niya. Humahampas kasi sa mukha ng katabi niya yung buhok niya dahil sa hangin eh.

10.Meron din naman feeling model sa video ng videoke dahil nakatingin sa kawalan, tulala, tapos bigla na lang ngingiti. Ngiii.

11. Meron din naman na sa sobrang layo ng biyahe nakakatulog. Minsan sinasandalan ka pa.

12. Meron din naman na parang magpipicnic. Panay kasi ang kain habang nasa biyahe. Hindi man lang mag-share.

13. May pasahero din na sa wari ko, laging nananalong Mr./ms. Friendship o darling of the crowd sa lugar nila. Kasi bigla ka na lang kakausapin about anything under the sun.

14. Tapos meron ding kung makipag daldalan sa kasama niya sa lakas ng boses niya parang wala ng bukas. Alam na ng ibang pasahero yung pinaguusapan dahil sa sobrang lakas ng boses. Guilty ako dito. Pero hindi naman ganung kalakas yung boses ko eh.

15. Meron din naman na ginagawang library at study area ang jeep. Siguro hindi nakapag aral kagabi kaya sa jeep nagrereview at nagbabasa. Masakit kaya sa ulo yung nagbabasa ka habang nasa biyahe. Kayo ba hindi sumasakit ang ulo pag ganon?

16. Kadalasan, kaya nagtatagal ang biyahe kasi yung driver tinitigilan ang bawat taong nakikita niyang nakatayo sa sidewalk. At bawat kanto, nagsstop over para maghintay ng pasahero.

17. Nga pala, hindi ko maintindihan minsan ang mga barker. Sinasabing maluwag pa yung jeep eh ang sikip sikip na nga. Baka maluwag para makaupo yung langgam. Tapos kakalampagin yung gilid ng jeep kapag ayaw daw umayos ng upo yung mga pasahero.

18. Bakit pag sasakay ka ng jeep, walang bawal bawal? Pero pag bababa ka na, ayaw ka agad ibaba, kasi bawal daw magbaba sa hindi tamang babaan?

19. Ang mga pasahero, laging nag uunahang sumakay o bumaba ng jeep. Kahit lima lang silang sasakay at bakante naman yung jeep na kasya sa 20 na tao.

20. Dapat alam mo yung pwesto sa jeep kung saan walang direct sunlight na tatama sa yo. Para dun ka maupo sa walang araw.

So far, yan pa lang ang naobserbahan ko. Sanay na akong mag jeep ngayon.

2 comments:

  1. nice blog ate Karen! nkakarelate ako sobra lalo na dun sa no. 3,5 and 9. sobrng humorous po. God bless!

    ReplyDelete

ShareThis

Infolinks In Text Ads